Naghain ng isang panukalang batas si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na mahigpit na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa na itinuturing niyang “silent epidemic” na unti-unting sumisira sa mga Filipino, lalo na ang mga kabataan.

Tatawagin itong “Anti-Online Gambling Act of 2025” na halaw sa banta ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at lumalalang panganib ng local online gambling platforms.

Sinabi ni Zubiri na pinasara na ang mga POGOs dahil sa pinsala na idinulot ng mga ito sa bansa, subalit may lumabas na mas mapanganib na problema sa ating mga tahananan, ang online gambling.

Nababahala si Zubiri sa gambling addiction ngayon, na hindi na lulong ang isang tao sa casino o sa sabungan, dahil maging ang mga kabataan ay nagagawa na ring magnakaw para lang may pansugal sa online.

Ayon kay Zubiri, sa ilalim ng kanyang panukalang batas, ipagbabawal ang lahat ng uri ng digital betting platforms, mobile applications, at websites na pinapayagang tumaya ang sinuman sa pamamagitan ng phones, tablets, at computers.

-- ADVERTISEMENT --

Sakop ng panukala ang lahat ng local at offshore-operated gambling sites na nagpapataya sa Filipino users.

Sakaling mabigong kumilos kaagad ang ISP, pagmumultahin ito, isususpinde ang lisensiya, o babawiin ang kanilang authority to operate.

Papanagutin din ang sinumang entity na tutulong sa paglalagay ng taya, pagtataguyod ng gambling content, o pag-aanunsiyo sa betting sites — kahit sa traditional media, social media, o influencer marketing.

Mahaharap sa matinding parusa ang sinumang lalabag: sa unang paglabag ay magmumulta ng P20 million at anim na buwang license suspension.

Aabot naman sa P50 million o full-year suspension sa ikalawang paglabag.

Sa ikatlong paglabag ay may multa na P100 million, permanent license revocation, at criminal prosecution at pagkakakulong ng hanggang anim na taon.

Binigyang-diin ni Zubiri na may mali sa sistema, kaya inihain niya ang panukalang batas upang matuldukan na ang nasabing problema.