Inihain ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang palitan ang buwanang cash assistance ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng livelihood capital upang mapigilan ang maling paggamit ng pondo, gaya ng pagsusugal at paggamit ng ilegal na droga.
Ayon kay Tulfo, kung pagkakakitaan ang ibibigay, tulad ng panimula para sa sari-sari store o online selling, mas makatutulong ito sa pag-angat ng kabuhayan at ekonomiya ng mga benepisyaryo.
Iginiit din ng senador na may ilang 4Ps beneficiaries na mas nais makatanggap ng pangkabuhayang tulong kaysa buwanang ayuda, upang hindi sila mapagkamalang tamad o umaasa lang sa gobyerno.
Aniya, hindi makatarungan para sa mga manggagawang minimum wage earners gaya ng mga guwardya at kasambahay na walang natatanggap na katulad na benepisyo.
Nakatakda umanong talakayin ni Tulfo ang mungkahi sa pulong nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian na suportado niya ang panawagan ng Pangulo na amyendahan ang 4Ps Law, upang pahintulutan ang mas mahabang pananatili ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa programa—lalo na’t may dalawang milyong Pilipino ang inaasahang lalabas sa listahan pagsapit ng 2026.