Tuguegarao City- Inihain ni 3rd District Congressman Jojo Lara sa Kamara ang panukalang gawing pantay pantay ang minimum wage salary ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa ilalim ng ipinapanukalang housebill No. 6668 kasabay ng “Balik Probinsya Program” ni Sen. Bong Go na layong malimitahan ang pagsikip ng espasyo sa Metro Manila.
Ayon kay Cong. Lara, malaki ang tiyansang mahikayat na umuwi ng probinsya ang mga manggagawang nasa Metro Manila sakaling maaprubahan ang panukalang ito.
Paliwanag nito, mas mainam na ipatupad ang “general minimum wage” o ibabase sa wage rate ng Metro Manila ang sahod ng mga mangagawa sa bawat probinsya upang wala ng dahilan na lumuwas sa ibang lugar ang mga nasa probinsya para maghanap ng trabaho para sa mas mataas na kita.
Gayonman, sinabi pa ng opisyal na malaking tulong ito sa lahat ng mga managawa lalo pa at nahaharap ngayon ang bansa sa epekto ng COVID-19.
Naniniwala pa si Cong. Lara na sakaling maaprubahan ang panukala ay kakayanin naman ng mga negosyante sa lalawigan ng Cagayan.
Sa ngayon ay naihain rin aniya ang naturang panukala sa Committee of Labor andEmployment upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang kaugnay dito.
Tiwala pa ang opisyal na lalo pang pag-iigihan ng bawat manggagawa ang kanilang trabaho sakaling maaprubahan ito dahil sa sapat at tamang sahod para sa kanila.