Isasagawa ang susunod na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa November 2026.
Ito ang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla.
Naniniwala si Remulla na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na magpapaliban sa BSKE na nakatakda sa Disyembre ngayong taon.
Sinabi ni Remulla na magiging maigsi lamang ang termino ng mga kasalukuyang mga opisyal ng barangay at SK kung isasagawa ang eleksyon sa Disyembre.
Ipinaliwanag niya na layunin nito na makatugon sa batas, na nagbibigay ng tatlong taong termino para sa barangay at SK officials.
Niratipikahan ng Kamara at Senado, bago ang adjournment ng 19th Congress noong Hunyo ang bicameral conference committee report na nagtatakda sa eleksyon sa 2026, at isasagawa ang susunod na halalan kada apat na taon.
Naipadala ang panukalang batas sa Malacañang noong July 15, na ibig sabihin nasa pagpapasiya ni Marcos kung lalagdaan o ive-veto ang panukalang batas bago ito mag-lapse into law sa loob ng 30 araw.
Sinabi ni Remulla na ang panukalang guidelines ay magpapahintulot sa mga barangay officials na magsilbi ng dalawang apat na taong termino, habang ang SK officials ay limitado lamang sa isang apat na taong termino.