
Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang dalawang panukalang batas na mag-a-update sa pamamahala ng mga State Universities and Colleges (SUCs), halos 30 taon matapos maipasa ang Republic Act No. 8292 o Higher Education Modernization Act of 1997.
Ang mga panukala ay House Bill No. 4799 nina TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre at Rep. Andrew Julian Romualdez, at House Bill No. 5042 ni Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong.
Pagsasamahin ang mga ito upang makabuo ng substitute bill para sa plenary deliberations.
Layunin ng mga panukala na linawin ang papel ng Commission on Higher Education (CHED), palakasin ang mga governing board ng SUCs, at magtakda ng iba’t ibang antas ng awtonomiya batay sa kapasidad at performance ng bawat institusyon.
Kabilang sa HB 4799 ang pagbabago sa komposisyon ng board, pagsasanay at sertipikasyon sa pamamahala, at paglikha ng Philippine Higher Education Academy para sa leadership development at succession planning.
Samantala, itinataguyod ng HB 5042 ang modernisadong governance structure at mas mahigpit na accountability mechanisms.
Ayon kay Acidre, layon ng reporma na i-modernize ang autonomy framework ng SUCs upang maging mas epektibo at responsable ang kanilang pamamahala.










