Tugeugarao City- Inaprubahan sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na naglalayong huwag kaltasan o patawan ng tax ang honorarium na matatanggap ng mga gurong magsisilbi sa eleksyon.
Sa panayam kay France Castro ng Alliance of Concerned Teachers Partylist, tinalakay na sa Committee on Ways and Means ang House Bill No. 225 na agad ding inaprubahan.
Sinabi niya na may karanasan kasi ang mga gurong nagsilbi noong 2019 electiion na nabawasan ng 5% tax ang kanilang mga honorarium tulad ng travel allowance at iba pang benepisyo.
Giit niya, nakasaad sa ilalim ng panukala na hindi na matatapyasan ang halagang dapat matanggap ng mga guro kabilang na ang mga miyembro ng Board of Electoral Inspectors, poll workers at iba pa.
Sa ngayon aniya ay inaasahan ang pagtalakay ng senado sa nasabing panukalang batas upang maipasa at maipatupad na sa 2022 election sakaling malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nanindigan naman ang Makabayan Block na hindi sila pabor sa ipinapanukala ng ibang mga politiko na ipagpaliban muna ang eleksyon dahil sa pandemya.
Punto niya, hindi dapat na ipinagpapaliban ang karapatan ng publiko na nakasaad sa konsitusyon upang makapili ng mga lider na mamununo sa bansa.
Sinabi niya na kailangan lamang ng mahigpit na pagpapatupad ng health protocols at maglatag ng mga hakbang na makatutulong upang ligtas na maisakatuparan ang eleksyon.
Ilan sa mga rekomendasyon ng grupo ay habaan ang oras ng pagboto upang maipatupad ang mga panuntunan laban sa transmission ng virus, pagkakaroon ng absentee voting sa mga senior citizen, PWDs at iba pa.
Ayon naman kay Raymund Basilio, Sec. General ng Alliance of Concerned Teachers, ang pagsuporta ng mga kongresista sa nasabing panukala ay malaking bagay upang maisulong at maisabatas ito.
Saad niya, sakaling maipasa na ito ay maaari ng mabenepisyuhan nito ang mga guro sa taong 2022 at sa mga susunod pang halalan.
Punto ni Basilio, ang natatanggap na honorarium ng kaguruan sa panahon ng eleksyon ay maliit lamang kumpara sa ginugugol na oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa oras ng eleksyon.
Malaki aniya ang sakripisyong ginagampanan nila mula palamang sa paghahanda hanggang sa mismong araw ng eleksyon.
Kaugnay nito, sinabi niya na hiniling na rin nila sa COMELEC na hanggat maaari ay gawin ng P10,000 ang ibibigay na honorarium ng mga poll workers sa halip na P6,000.