
Mariing iginiit ng Department of Education (DepEd) na nananatiling nasa ilalim pa ng masusing pagsusuri at wala pang pinal na desisyon hinggil sa panukalang paglipat sa trimester system sa mga paaralan sa bansa.
Pahayag ito ng kagawaran kasunod ng tumitinding pangamba at mga katanungan mula sa ilang mambabatas, grupo ng mga guro, at iba pang education stakeholders.
Sa inilabas na pahayag, binigyang-diin ng DepEd na nagpapatuloy ang kanilang komprehensibong pag-aaral at serye ng konsultasyon kaugnay ng mungkahing pagbabago sa academic calendar.
Nauna nang nakatanggap ng batikos ang panukala, kung saan kinuwestyon ng ilang sektor ang kahandaan ng kasalukuyang sistema para sa naturang pagbabago.
Ilan sa mga isyung ibinabato ng mga kritiko ay kung paano nito matutugunan ang matagal nang suliranin tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at ang mabigat na trabaho ng mga guro.
Kinilala naman ng DepEd ang mga nabanggit na sentimyento, at tiniyak na isinasaalang-alang nila ang pangangailangan para sa mga structural reform at pagtugon sa mga umiiral na systemic issues, kabilang ang kapakanan ng mga guro.
Ayon sa ahensya, layunin ng panukalang trimester scheme na gawing mas episyente ang academic planning, mas mapakinabangan ang oras ng pagtuturo, at mabawasan ang pressure sa teaching personnel.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na tiyak na timeline ang DepEd kung kailan matatapos ang pag-aaral o kung kailan maglalabas ng pinal na desisyon hinggil sa usapin.










