
Nananawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang panukalang batas para sa dagdag na ₱200 sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Apela ito ni Mendoza kay PBBM makaraang lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na 20.1% ng pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom.
Ayon kay Mendoza, nakakabahala na isa sa bawat limang pamilyang Pilipino ang walang makain habang ang pamahalaan ay walang katapusang nag-aalinlangan na magpatupad ng umento sa sahod.
Dismayado si Mendoza na habang nagdedebate sa trilyong pisong utang at nakawan, ay nagdedebate naman ang mga manggagawa kung kakain pa ba o mag-aaral pa ba ang kaniyang anak, dahil barya lamang ang kanyang sweldo.
Pakiusap ni Mendoza kay President Marcos, tutukan ang dagdag-sweldo bago tuluyang mawalan ng laman ang tiyan ng ating mga kababayan at bago tuluyang mawalan ng tiwala ang mamamayan sa pamahalaan.
Umaasa si Mendoza na pipiliin ni Pangulong Marcos na pakinggan ang mga nagugutom na manggagawa kaysa manatiling bihag ng mga economic managers na nagsisilbing tagapagtanggol ng luho ng negosyo laban sa kagutuman ng bayan.









