Idinawit nang lumantad na whistleblower sina dating Presidential Adviser on Economics Affairs Michael Yang, Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Atty. Mans Carpio at iba pang personalidad sa bulto-bultong smuggling ng illegal na droga sa bansa.
Sa kaniyang pagharap kahapon sa unang araw na paggulong ng imbestigasyon ng binuong Quad Comm o pinagsanib na apat na komite, walang pangingiming itinuro ni Jimmy Guban, dating Intelligence Officer ng Bureau of Customs, sina Duterte, Carpio at Yang na nasa likod umano ng smuggling ng P6.8 bilyong droga na nasabat sa magnetic lifter sa BOC noong Agosto 2018.
Si Carpio ay mister ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang naman sa Quad Comm ang House Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights at Public Accountants.
Sinabi ni Guban na bagaman siya ay testigo sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committe noong 2018-2019 sa nasabing kaso ay siya pa ang kinasuhan sa illegal drug shipment at na-convict sa Manila Regional Trial Court noong 2019 at nakulong sa Manila City Jail hanggang sa ilipat siya sa National Bilibid Prisons.
Anya, napakalaking impluwensya at kapangyarihan ng mga sangkot sa operasyon ng smuggling ng illegal na droga sa BOC na napakahirap banggain sa ilalim ng dating administrasyon sa kasagsagan ng drug war.
Isa umanong Councilor Nelson Abellera Jr. alyas “Small” at broker na Chinese na kinilala lamang sa alyas na Henry ang tagaayos at tagalabas sa BOC ng mga illegal na kontrabando ng mga nabanggit kabilang ang nga produktong agrikultura na sinisingitan ng illegal na droga.
Ayon kay Guban, nagugulat sila na ang mga overstaying at kaduda-dudang mga containers sa BOC ay bigla na lamang nawawala.
Samantala, nasa mahigit 350 kontrabando rin ang kanilang hinarang pero pinalusot ito sa BOC sa panghihimasok ng nasabing maiimpluwensyang personalidad. Wala umanong mga dokumento, walang gatepass at di rin dumaan sa Xray ang mga kahina-hinalang kontrabandona na may lamang droga na galing China. Sinabi umano sa kaniya ni alyas Small na nagtratrabaho siya kina Yang, Duterte at Carpio.