Tila nagsilbing isang inspirasyon kay Jail Officer III Donald Quigao ang pagkamatay ng kanyang nag-iisang anak upang magpursige sa inaasam na pangarap na maging abugado matapos na mapabilang siya sa listahan ng mga pumasa sa 2020-21 Bar Exams.

Kwento ng 40-anyos na si Quigao, July 2021 o bago ang serye ng mga naantalang Bar examinations ay nakaranas ito ng pinakamabigat na pagsubok sa buhay nang magpakamatay ang kanyang 17-anyos na anak.

Itoy bukod pa sa mga maraming pagsubok na naranasan at nalampasan niya sa buhay.

Dagdag pa ni Quigao na ilang beses din niyang naisip na sumunod sa yapak ng kanyang anak, subalit anuman ang dahilan nito sa pagpapakamatay ay naniniwala siya na para ito sa ikabubuti niya upang mas matutukan nito ang pag-aaral o review.

Dahil sa pagdadalamhati, ilang buwan din itong hindi nakapag-review at buwan ng Oktubre lamang noong nakaraang taon nang sinubukan niya ulit mag-aral, kasabay ng kanyang pagtatrabaho bilang paralegal sa Tuguegarao City District Jail.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, tuwing may pagkakataon sa gabi o tuwing nasa kanyang sasakyan pagpasok sa trabaho ay nakikinig ito sa mga online reviews at nagbubuklat ng mga libro.

Sa unang araw din ng exam nitong February 4, 2022, sinabi ni Quigao na nagpunta ito sa testing center nang walang tulog kung kaya nagpapasalamat ito sa Panginoon nang makita ang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa unang pagkuha niya ng isa sa pinakamahirap na pagsusulit sa bansa.

Sa ngayon, sinabi ni Quigao na dahil isa na siyang lisensyadong abogado ay inaasahang mapagbubuti nito ang kanyang serbisyo para sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) na nangangailangan ng serbisyong legal.

Payo pa ni Quigao, patuloy na mangarap at magtiwala sa Diyos.