Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang pari dahil sa umanoy pagmomolestya at pangagagahasa nito sa isang menor ed edad sa bayan ng Solana, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Rev. Fr. Karole Reward Israel, Asst. Parish Priest ng isang simbahan sa bayan ng Solana at residente sa Brgy. Tucalana, Lallo habang ang biktima ay isang 16 anyos na youth minister ng naturang simbahan.

Nahuli ang suspek sa isinagawang rescue operation ng mga operatiba sa Brgy. Iraga sa nasabing bayan at batay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 at sa salaysay ng biktima, naging magkalapit sila ni Fr. Israel noong maging aktibo itong miyembro ng youth ministry taong 2019.

Dagdag pa rito, gabi umano ng Pebrero 8 ngayong taon ay niyaya ng pari ang biktima sa bayan ng Aparri at bumalik na lamang ng Solana kinaumagahan ngunit bago bumaba ang biktima sa sasakyan ay nagawa na siyang molestyahin ng suspek hanggang sa nakakuha ng pagkakataon upang makatakas.

Noong Pebrero 22 ay niyaya umanong muli ni Fr. Israel ang bata sa layuning may ipakikilalang isa ring mayroon ding karelasyon ngunit dumiretso naman sila sa isang hotel at doon naisagawa ng suspek ang panggagahasa.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa imbestigasyon ay lumalabas na nasundan pa ang nasabing panghahalay kung saan mula Pebrero hanggang Oktubre ay posibleng umabot umano sa 20 beses ang panggagahasa ng pari sa biktima.

Natakot din umanong magsumbong ang biktima dahil sa pagbabanta ng pari na ipapakalat nito ang mga larawan at kanilang sex videos.

Nabatid pa na umabot na rin ng hanggang tatlong beses ang tangkang paglalaslas ng biktima ngunit napigilan ng may isang pagkakataon na may dumapong paro-paro sa kanyang palad na itinuring nitong senyales na huwag ituloy ang pagpapakamatay.

Kumalas na rin umano ang biktima sa relasyon nila ng pari ngunit patuloy siyang pinagbabantaan nito hanggang sa mapansin naman ng kanyang guro na madalas tuliro at balisa sa klase ang biktima at nang kausapin siya ay dito na niya inilahad ang mga nangyari sa kanya hanggang sa malaman ng kanyang mga magulang at idinulog sa NBI Region 2.

Isinagawa ang rescue operation matapos ang plano ng suspek na pakikipagkita sa biktima nitong gabi ng Oktubre 18 na nagresulta naman upang mahuli sa akto sana nitong pang-aabuso sa biktima.

Sa ngayon ay nahaharap si Fr. Israel sa kasong paglabag sa RA 7877 o Anti Sexual Harrasment Act, RA 9262 o Violence Against Women and their Children Act, RA 9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act at RA 7610 o Child Abuse ngunit agad namang nakapaglagak ng piyansa.

Nanawagan naman ang NBI sa mga posible pang biktima ng suspek na lumapit lamang sa kanilang tanggapan upang pormal na makapaghain ng reklamo.

Ayon naman sa ina ng biktima, hindi nito inaasahan ang nangyari lalo at malaki ang kanilang respeto at tiwala sa pari at sa ngayon ay binabantayan aniya nila ang kanyang anak upang maiwasan ang posibleng pananakit nito sa kanyang sarili na dala ng trauma.

Pursigido ang pamilya ng biktima sa pagsasampa ng kaso habang sa ngayon ay patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo upang marinig ang panig ng suspek maging sa ilalabas na pahayag ng Archdiocese of Tuguegarao kaugnay pa rin sa nasabing pangyayari.