Humingi na ng paumanhin sa National Police Commission(Napolcom) ang indibidwal na gumamit ng uniporme ng pulis bilang Halloween costume.

Tinukoy ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Calinisan ang partygoer na si Daryll Isidro.

Sa isang press conference, sinabi ni Isidro na hindi niya intensyon na hindi irespesto ang uniporme ng mga pulis.

Aniya, may ‘high respect’ o mataas na paggalang siya sa kanilang hanay.

Ipinaliwanag din nito kung bakit uniporme ng mga kapulisan ang napili nitong isuot para sa Halloween.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang unang pumasok kasi sa isip niya ay ang mga karakter na nagtatanggol sa lipunan.

Samantala, sinabi rin nitong sa isang mananahi sa Quiapo, Manila niya nakuha ang damit.

Hindi niya ito nagawang dalhin kay Calinisan dahil hindi daw siya sigurado kung dapat niyang i-surrender ang kanyang isinuot.

Ayon naman kay Calinisan, lubhang nakababahala ang nangyari.

Tinukoy din niya na ang uniporme ay PNP general office attire type C uniform na walang manggas.

Agad niya itong pinainspeksyon sa Inspection, Monitoring and Investigation Service.

Ibinahagi rin ni Calinisan na ipinag-utos niya na sa abogado ng komisyon ang paghahain ng kaso, pero hindi niya ito itinuloy matapos siyang puntahan ni Isidro ngayong araw.

Sa huli, sinabi niyang bagaman pinapatawad na si Isidro, dapat daw ay magsilbing aral ito.