Naghain ng resolusyon si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo upang himukin ang gobyerno na iakyat na sa United Nations ang panawagan sa China na itigil ang ilegal na mga hakbang sa West Philippine Sea.

Batay sa House Resolution Number 1766, nais ni Tulfo na kumilos ang Department of Foreign Affairs upang mag-sponsor ng resolusyon sa United Nations General Assembly para patigilin ang China sa paglabag sa batas.

Alinsunod aniya ang resolusyon sa UNCLOS at 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration.

Nakahanay din umano ito sa pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na mananatili ang commitment ng bansa na resolbahin ang maritime disputes sa pamamagitan ng mapayapang paraan at binibigyang-diin ang kahalagahan ng dayalogo at diplomasya sa pagtugon sa complex regional issues.

Binanggit sa resolusyon ang pang-aangkin ng China sa teritoryo sa pamamagitan ng nine-dash line; pagbalewala sa arbitration award; pagbomba ng water cannon sa mga barko ng Philippine Coast Guard at pag-atas sa Chinese Coast Guard na ikulong ang mga dayuhang “trespasser” sa WPS nang walang paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Tulfo na marapat lamang na igiit ng DFA ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at palakasin ang diplomatic efforts upang makakuha ng suporta mula sa international community laban sa harassment ng China.

Punto pa nito, isa sa diplomatic avenues na maaaring gawin ng Pilipinas ay dalhin sa UN ang isyu upang makialam at itaguyod ang 2016 arbitral ruling.

Kumbinsido si Tulfo na kung resolusyon ng UN ang mananaig, maiimpluwensiyahan nito ang international norms at mga polisiya at magbibigay ng plataporma sa ating bansa na panindigan ang maritime rights at humanap ng suporta kontra hakbang na labag sa rule of law.