Patay ang isang lalaking pasahero matapos na mabangga at makaladkad ng isang bus sa isang bahagi ng highway sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya.

Sinabi ni PCapt. Daryll Marquez, hepe ng Diadi PNP na 22 anyos ang biktima, at residente ng Paracelis, Mountain Province.

Ayon kay Marquez, lumabas ang biktima mula sa sinakyang pampasaherong van, habang naghihintay ng oras nila para umandar patungong south direction dahil sa one lane noon ang nasabing kalsada bunsod ng unang magkasunod na aksidente sa lugar.

Sinabi niya na biglang umandar ang pampasaherong bus na nasa likod ng van, na nagbunsod para mabangga ang biktima na nakatayo sa harap van, naipit, hanggang sa makaladkad ng lima hanggang 10 metro ang layo na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Bukod sa van, nabangga rin ang ambulansiya na nasa harapan ng van, na sakay ang pasyente na sumailalim sa dialysis sa Santiago City.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Marquez na wala namang nasaktan sa mga pasahero ng ambulansiya at bus.

Ayon sa kanya, nagkaroon ng malaking pinsala ang van at ang ambulansiya, habang nasira naman ang harapang bahagi ng bus.

Sinabi ni Marquez na posibleng nakatulog ang biktima at naapakan ang accelator ng bus kaya ito biglang umandar.

Bago ang nasabing insidente, may naunang dalawang aksidente sa lugar; una ang pagbaliktad ng isang truck, na inabot ng tatlong araw bago natanggal sa kalsada; at ang pangalawa ay natanggalan ng isang gulong ang isang truck na nagresulta sa pagbangga nito sa sinusundang pampasaherong bus.

Sinabi ni Marquez sa ngayon ay bukas na ang dalawang lane ng nasabing kalsada.