
Kinumpirma ng Department of Transportation–Office for Transportation Security (DOTr-OTS) na isang lalaking pasahero ang binaril sa dibdib ng mga awtoridad sa Iloilo International Airport sa Cabatuan, Iloilo matapos umanong maglabas ng isang “bladed weapon,” ayon sa Department of Transportation–Office for Transportation Security (DOTr-OTS).
Sa official statement na inilabas ng OTS, na-flag ng isang security screening officer ang isang ipinagbabawal na bagay sa bag ng pasahero kaya’t isinailalim ito sa secondary screening. Gayunman, bigla umanong kinuha ng pasahero ang kanyang bag mula sa X-ray machine at tumakbo palabas ng screening area.
Dagdag ng OTS, kinuha ng pasahero ang isang bladed weapon, dahilan upang agad na rumesponde ang mga pulis sa paliparan. Sa gitna ng insidente, binaril ang pasahero sa dibdib at agad na dinala sa ospital para sa gamutan. Hindi tinukoy ng OTS kung anong uri ng patalim ang nasamsam.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng OTS, kasama ang airport authorities at law enforcement agencies, ang pangyayari.










