Arestado ang isang pasaherong biyaheng Maynila matapos matuklasan sa kanyang bagahe ang isang baril at mga bala na wala umanong kaukulang dokumento sa Laoag International Airport.

Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group o PNP-AVSEG, nakita sa isinagawang X-ray screening ang isang .45 caliber Colt firearm, magazine at walong bala.

Kinumpirma ang mga nakitang security risk items matapos isailalim sa physical inspection ang bagahe ng pasahero.

Nasa kustodiya na ng airport police station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng legal na aksyon.