Namatay ang isang lalaking paslit na isang taong gulang matapos na malunod sa timba na may tubig sa Sagbayan, Bohol.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naglalaro umano ang bata kasama ang kanyang mga kapatid na tatlong taong gulang at siyam na taong gulang sa labas ng kanilang bahay bago ang insidente.
Bagamat hindi naman puno ng tubig ang timba, nakasubsub ang ulo ng bata sa tubig sa timba nang makita siya ng kanyang nakatatandang kapatid.
Humingi ng tulong ang kuya ng bata, kung saan agad na lumabas ang kanilang nanay.
Ayon sa nanay, mahina at namumutla na ang bata nang madatnan niya, at sinubukan niya itong isalba at dinala sa rural health unit.
Subalit, binawian ng buhay ang paslit sa RHU matapos ang ilang oras.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga awtoridad ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang katulad na insidente at iba pang aksidente.