Sinuspindi ang pasok ngayong araw mula kindergarten hanggang Grade 12 sa private at public schools dito sa lungsod ng Tuguegarao, Iguig, Amulung, Peñablanca, Enrile, Solana, Piat, Santa Ana, Baggao at Gattaran, habang walang pasok sa lahat ng antas sa Santo Niño at Camalanuigan, Cagayan bunsod ng patuloy na bahagya hanggang sa malakas pag-ulan buhat pa kagabi na dulot ng shearline.
Kaugnay nito, sinabi ni Arnold Azucena, head ng Task Force Lingkod Cagayan, naka-preposition na ang kanilang mga tauhan sa nakatalaga sa iba’t ibang bayan para magsagawa ng monitoring bunsod ng pagtaas ng tubig sa ilog Cagayan na posibleng magbubunsod ng mga pagbaha.
Ayon sa kanya, inalerto na rin ang mga residente na nasa mabababang lugar na maging alerto at agad na lumikas kung kinakailangan upang hindi sila maabutan ng pagbaha.
Sinabi niya na binabantayan din nila ang mga lugar na prone sa landslides.
Sa ngayon ay umapaw na ang tubig sa Pinacanauan Overflor Bridge at hindi na rin madaanan ang Teresa Boulevard sa Tuguegarao dahil sa pagtaas ng ilog.