TUGUEGARAO CITY-Sinuspinde kaninang alas tres ng hapon ang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobierno sa lalawigan ng Apayao dahil sa pagbaha.
Inilabas ni Gov. Eleanor Bulut Begtang ng Apayao ang kautusan batay na rin sa rekomendasyon ng provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) dahil sa nararanasang pagbaha bunsod ng pag-ulan na dala ng tail end ng cold front.
Kasama rin sa kanselado ang distance o online class ng mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong eskuwelahan.
Samantala, inihayag ni Jeoffrey Borromeo na 52 pamilya na mula sa Barangay Zumigui, Lappa at San Gregorio ang lumikas matapos na malubog sa tubig baha ang kanilang bahay.
Ayon pa kay Borromeo, nagsasagawa na ng dredging ang lokal na pamahalaan ng Calanasan sa daluyan ng tubig sa Brgy Sta. Filomena.
Sinabi niya na rumagasa sa mga kabahayan ang tubig mula sa mga kabundukan matapos matabunan ng debris o gumuhong lupa ang daluyan ng tubig.
Umaabot sa 275 pamilya na tinatayang humigit kumulang isang libong katao ang naapektuhan ng pagbaha sa nasabing mga barangay.
Ayon kay Borromeo na hindi naman na lumikas ang mga residente dahil agad humupa ang flash flood. with reports from Bombo Marvin Cangcang