TUGUEGARAO CITY-Kanselado ang pagsisimula ng full face-to-face classes sa lahat ng antas sa pribado at pampubliko, maging sa pasok sa trabaho sa gobyerno ngayong araw, November 2 hanggang November 3 sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa anunsyong inilabas ni Mayor Maila Ting Que, ang kanselasyon ng pasok ay dahil mabagal ang paghupa ng tubig baha at nananatiling lubog pa rin sa baha ang ilang paaralan.
Magbibigay rin aniya ito ng pagkakataon sa mga residente na makapaglinis sa mga putik na dulot ng pagbaha sa kanilang mga tahanan.
Samantala, ayon pa kay Que magpapatuloy ang pamamahagi ng mga relief packs sa lahat ng apektadong residente ng syudad lalo na sa mga isolated Barangay.
Bukod sa Tuguegarao ay nagkansela rin ng klase ang bayan ng Aparri, Enrile, Amulung, Gattaran, Lal-lo, Iguig, at Alcala.
Sumampa sa kabuuang 58,810 families o 226,730 individuals ang bilang ng mga naapektohan ng malawakang pagbaha sa Rehiyon dos dahil sa bagyong paeng.
Ayon kay Michael Conag, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, ang mga nasabing apektado ay mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Sa ngayon aniya ay nasa mahigit 3000 families o 12,000 katao ang nananatili pa rin sa ibat ibang mga evacuation centers sa rehiyon matapos na malubog sa tubig baha ang kanilang mga kabahayan.
Kaugnay nito, 28 houses naman ang naiulat na totally damaged at pinakamarami dito ang nagmula sa bayan ng Tuao na may 22 habang may 23 naman ang partially damaged.
Sinabi rin ni Conag na sa ngayon ay may 11 road networks at limang national bridges ang hindi pa madaanan matapos ang naging epekto ng pagbaha habang sa mga barangay, municipal at provincial roads naman ay may 64 na apektado at may 73 overflow bridges ang hindi madaanan.
Hinihintay naman ngayon ang kumpirmasyon mula sa mga MDRRMO sa Cagayan kung ang mga naiulat na nasawi ay ihahanay bilang tyhoon related casualties habang nagpapatuloy naman ang assessment sa iniwang pinsala ng pagbaha sa sektpor ng agrikultura.