TUGUEGARAO CITY-Walang pasok sa pre-school sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong Miyerkules sa Tuguegarao City kasunod ng malakas na lindol na yumanig sa Abra at naramdaman sa Cagayan at mga kalapit na lalawigan, kagabi.

Ang pasok naman mula elementarya hanggang senior high school ay magsisimula sa oras na alas 9:00 ngayong umaga.

Ayon kay Mayor Maila Ting Que, ang suspensyon ng klase ay upang bigyang daan ang pag-inspeksyon sa mga gusali ng paaralan kasunod ng malakas na lindol dakong alas 10:59, kagabi.

Matapos ang pagyanig ay personal namang nag-ikot ang alkalde sa lungsod upang alamin ang naging epekto nito.

Kasabay nito ay ipinag-utos ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagsasagawa ng assessment sa mga establisyemento sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Isang bahay naman sa Barangay Punta, Aparri ang nirespondehan ng pulisya na napinsala dulot ng lindol habang inaalam pa ang mga sitwasyon sa iba pang mga bayan.

Marami rin ang mga napaulat na pagkabitak at pagkasira ng mga gusali at lansangan sa lalawigan ng Ilocos at Abra na dulot ng lindol.

Sinuspinde na rin ang pasok sa lahat ng antas, trabaho sa gubyerno sa Abra at Ilocos Norte habang pati sa trabaho sa pribadong kumpanya ang suspendido sa Ilocos Sur.

Ang epicenter ng lindol ay sa Lagayan, Abra kung saan ibinaba ng PHIVOLCS sa magnitude 6.4 mula sa naunang naitala na magnitude 6.7.

Ang Abra ay 48 kilometro lamang na malapit sa Vigan kung saan naramdaman din ang intensity V sa Cagayan Valley Region, at kalapit na mga probinsiya at asahan rin ayon sa PHILVOLCS ang mga aftershocks nito.