Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol na walang buhay sa imbakan ng basura sa Antipolo, Rizal, kaninang madaling araw.

Ayon kay Leilani Reyes, Violence Against Women and Children Officer ng Barangay San Jose, isinilid ang sanggol sa kahon at binalot ng plastic bago isinara gamit ang packing tape.

Sa initial na imbestigasyon ng Barangay San Jose Public Safety Office, tinatayang anim hanggang pitong araw ang sanggol at isang babae.

Ayon sa isa pang VAWC Officer na si Irene Favor, buo na umano ang sanggol at kaya niya na sanang mabuhay kung aalagaan nang mabuti.

Nakita naman sa CCTV Footage ng isang gusali na may ilang tao na nakita sa paligid ng basurahan pasado alas tres ng madaling araw.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit hindi pa tukoy kung sino ang nag-iwan ng kahon.

Dagdag pa ng mga officers ng VAWC, posible ring masampahan ng reklamo ang ina ng sanggol at iba pang responsable sa krimeng ito.

Paalala naman ni Reyes sa mga kababaihan na kung hindi pa handa, ay ipaampon na lang sa DSWD, at huwag itapon o ipalaglag ang bata.