Sapat pa umano ang suplay ng patubig sa mga sakahan na saklaw ng National Irrigation Administration sa Kalinga.

Sinabi ni Engr. Ferdinand Indammog, acting division manager ng NIA-Kalinga Irrigation Management Office na patuloy pa ang patubig sa mga sakahan sa lalawigan at maging sa ilang bahagi ng Isabela dahil ang nasa vegetative at reproductive stage ang mga pananim.

Gayonman, sinabi niya na nagpapatupad na sila ng rotational na pagpapatubig sa mga sakahan sa Quezon at Mallig sa Isabela na konti na lamang ang nakakarating na tubig dahil sa ito ang tail end ng irigasyon.

Pagtaya pa ni Indammog na hindi maiiwasan na may mga maaapektohan ng El Niño sa Quezon na tinatayang aabot sa 540 hectares na binubuo ng ng 400 na magsasaka.

Sinabi pa ni Indammog na patuloy din ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Chico River na source ng patubig at kung wala pa ring ulan sa susunod na dalawang linggo ay tiyak na kukulangin ang suplay nito.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi niya na patuloy ang kanilang ginagawang paraan upang matugunan ang kailangang patubig ng mga magsasaka at ma-maximize ang paggamit nito na walang masasayang tulad ng pilot channeling ng tubig at ang paglilinis sa mga canal upang mabulis na dumaloy ang tubig sa mga sakahan.

Ayon kay Indammog, ang inaasahan nilang simula ng ani ng maraming magsasaka sa kanilang nasasakupan ay sa ikalawang linggo ng kasalukuyang buwan.