
Iginiit ng legal defense team ni Vice President Sara Duterte, na ang paulit-ulit na paghahain ng mga impeachment complaint ay hindi nangangahulugang nagiging totoo ang mga paratang.
Ito ay kaugnay ng ikaapat na impeachment complaint na isinampa laban sa bise presidente, kaugnay ng umano’y betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at umano’y maling paggamit ng pondo, bukod sa iba pa.
Inihain ito nitong Miyerkules ni Atty. Nathaniel Cabrera ng Batangas at inendorso nina Deputy Speaker Paolo Ortega at Rep. Bienvenido Abante.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ni VP Sara, tulad ng mga naunang kaso, haharapin nila ang isyu sa tamang panahon at alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.
Sa kabila ng mga impeachment complaint, nananatiling kabilang si Duterte sa mga itinuturing na nangungunang posibleng kandidato.
Iginiit naman ng defense team na hindi dapat gamitin ang impeachment bilang kasangkapan sa pulitika, kundi bilang isang mekanismong konstitusyonal na dapat dumaan sa makatarungan at patas na proseso.










