Inaasahang maihahatid na ngayong araw ng Office of Civil Defense ang paunang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Julian sa lalawigan ng Batanes.

Ayon kay Mia Edsel Carbonel, tagapagsalita ng OCD-RO2 na isasakay sa C130 plane ng Philippine Air Force ang mga pangunahing tulong para sa isla tulad ng food at non food items.

Nasa lugar na rin ang disaster assesment team ng OCD para sa tatlong araw na assessment sa pinsala ng bagyo.

Sa insiyal na datos ng OCD, nasa 167 na bahay ang nasira kung saan 32 ang “totally damaged” habang 135 naman ang “partially damaged” at umabot sa 8616 na pamilya ang apektado, o nasa 26324 na indibidwal sa buong rehiyon dos.

Ang Batanes ang may pinakamaraming pamilyang naapektuhan at bahay na nasira na umabot sa 165 na posible pang madagdagan dahil nagpapatuloy pa ang assessment sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Kahapon nang aprubahan naman ng Sangguniang Panlalawigan ang rekomendasyong isailalim sa state of calamity ang buong Batanes

Nagpapatuloy din ang restoration ng daloy ng kuryente at linya ng komunikasyon sa naturang isla.

Matatandaang isinailalim ng state weather bureau sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ang Batanes makaraang lumakas ang bagyong Julian na umabot pa sa super typhoon category.

Samantala, umapela ng kagyat na tulong si Batanes Bishop Danilo Ulep para sa mga nabiktima ng bagyo.

Ayon kay Bishop Ulep, pangunahing kailangan ngayon sa isla ang pagkain at tubig.

Kailangan rin ng mga residente ang mga construction materials lalo na sa mga nawalan ng tirahan

May mga simbahan rin sa Basco at iba pang bayan ang napaulat na nasira.

Sa kabila naman ng panibagong kalamidad, sinabi ni Bishop Ulep na tiyak na makababangong muli ang mga taga-Batanes.