Itutulak umano ni incoming Education Secretary Juan Edgardo Angara ang programang magbibigay ng mabilisang access sa mga guro sa mga loan na may mababang interest.

Ito aniya ay makakatulong sa kanila upang makapag-concentrate sa kanilang trabaho.

Ayon kay Angara, nalaman niyang inaaplyan ng mga guro ang mga pautang na may mataas na interest na nagiging pahirap sa kanila at tuluyang nagtatali sa kanila sa mga financial institution sa loob ng ilang taon.

Nakaka-apekto aniya ito sa kanilang pagtuturo.

Dahil dito, makikipag-ugnayan aniya ang kaniyang opisina sa mga government financial institution katulad ng Government Service Insurance System, Department of Trade and Industry – Small Business Corporation, atbpa, upang makabuo ng loan program na may mababang interest.

-- ADVERTISEMENT --

Kailangan aniyang may access dito ang mga guro at nararapat lamang na mabigyan sila ng ‘preferential treatment’.

Samantala, naniniwala rin ang incoming Education secretary na magkakaroon ng pagtaas sa sahod ng mga guro sa mga susunod na araw.

Giit ni Angara, bahagi ito ng Salary Standardization Law (SSL) kayat maaaring ngayong taon ito ipatupad o sa susunod na taon.