

Lusot na sa unang pagbasa sa Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang isinusulong na panukalang batas na nagbibigay ng pautang sa mga maliliit na negosyante na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala ni 3rd District Board Member Atty. Mila Catabay-Lauigan, aayudahan ng Pamahalang Panlalawigan ang mga maliliit na negosyo o sa mga nagnanais na magtayo ng maliit na pagkakakitaan na makakuha ng puhunan nang walang interes at babayaran ng hulugan.
Nakapaloob din sa naturang panukala ang pagkakaroon ng moral values para sa responsableng pagbabayad ng utang kung kaya maaaring hingan ng collateral ang isang borrower.
Sa ilalim ng panukala, nasa P50 milyon ang inaasahang inisyal na pondo para sa implementasyon ng nasabing programa.
Sinabi ni Lauigan na kasama sa mga tinamaan na sektor sa gitna ng pandemya ay ang turismo, transportasyon, retail at iba pang non-essential sectors.
Paliwanag ni Lauigan, sa pamamagitan nito ay hindi na mapipilitan ang mga maliliit na negosyante na pumasok sa mga lending na nagpapataw ng 20% o higit pang interes.
Kasama naman sa ipatatawag sa susunod na pagdinig ang mga government financial institutions para sa posibleng programa na maaaring itulong sa mga negosyante.
Samantala, isinusulong rin ni Lauigan ang isang panukala na naglalayong i-regulate ang operasyon ng online sabong sa lalawigan.
Paliwanag niya, walang regulasyon ang online o e-sabong dahil maaari tumaya ang kahit sino, maging ng mga bata gamit lamang ang apps sa cellphone
Maaari din kasi itong pagmulan ng krimen o pagkasira ng pamilya dahil kalimitang nababaon sa utang ang mga adik sa naturang sugal.
Sinabi ni Lauigan na muling ipapatawag sa susunod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang Philippine National Police at Philippine Charity Sweepstakes Office na una nang nagsabi na posibleng ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nagbigay ng lisensya sa E-Sabong.










