Pinaghahandaan na ng pamahalaang panglungsod ng Tuguegarao ang pagdiriwang ng taunang Pavvurulun Afi Festival o Patronal Fiesta na magsisimula sa August 1 hanggang August 16, 2024.
Ayon kay City Councilor Jude Bayona, chairman ng Comittee on Ways and Means, ito ay matapos aprubahan ng 9th city council ang iba’t-ibang nakalinyang aktibidad sa kapistahan ng lungsod na may kabuuang pondo na P23-M.
Tampok sa pista ang food and trade fairs, street dancing, pancit festival, night entertainment, gabi ng Kabataan, Senior Citizens night, Mr Toda at ang inaabangang Miss Tuguegarao pageant, motorcross at marami pang iba.
Kabilang naman sa inaprubahan ng konseho ang pagtanggap ng LGU ng donasyon o sponsorship at paniningil ng P3K hanggang P5K para sa registration ng mga exhibitors na sasali sa food and trade fairs.
Bilang tugon naman sa environmental protection at sa umiiral na ordinansa sa plastic ban ay inirekomenda ang pagbabawal sa paggamit ng plastik sa naturang exhibit.
Ang Afi Festival ngayong taon ay bilang paggunita sa ika-300 kapistahan ng Tuguegarao City sa kanilang patron na si San Jacinto.