Biniro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kaniyang mga gabinete na naway lumamig na ang kanilang ulo bago magtungo ng Cambodia para sa kaniyang tatlong araw na state visit.
Kasunod din ito ng banat ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa Kamara na linisin muna ang kanilang bakuran at huwag ibaling sa Ehekutibo ang sisi sa korapsyon at kapalpakan sa proseso ng pondo.
Ayon sa Pangulo, naiintindihan niya ang nararamdaman ng kaniyang mga gabinete sa gitna ng mga batikos ng Kogreso sa panukalang 2026 national budget.
Gayunpaman, kailangan aniyang manatiling kalmado at huwag magpadala sa init ng ulo.
Sa ngayon, nasa Cambodia na si Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos para sa tatlong araw na State Visit sa paanyaya ni His Majesty King Norodom Sihamoni.
Sa kaniyang unang aktibidad, nakipagkita ang Pangulo sa mga Pilipino sa Cambodia bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon, lalo na sa sektor ng edukasyon at serbisyo sa naturang bansa.