
Bumiyahe na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong United Arab Emirates (UAE) para sa isang working visit.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, itinalaga ng Pangulo bilang caretaker committee sina Executive Secretary Ralph Recto, Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, at DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Dadalo ang Pangulo sa Abu Dhabi Sustainability Week at mananatili sa UAE hanggang Miyerkules, Enero 14.
Inaasahan ding sasaksihan ng Pangulo ang paglagda sa dalawang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at UAE, kabilang ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) at Memorandum of Understanding on Defense Cooperation.
Isinasagawa ang working visit, batay sa imbitasyon ni UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, kung saan tatalakayin kasama ang iba pang mga pinuno ng estado ang mga isyu sa enerhiya, tubig, pananalapi, pagkain, at kalikasan.
Hindi pa masabi ng Palasyo kung bakit walang media coverage ang pag-alis ng Pangulo o ang nakagawiang departure ceremony sa Villamor Air Base sa Pasay City.










