
Dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa akusasyon ng kanyang kapatid, na si Senator Imee Marcos na gumagamit ng iligal na droga ang First Family.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, ikinadismaya ng Pangulo na umabot sa ganitong kasinungalingan ang ginawa ni Imee.
Ibinasura din ni Castro ang hamon ni Imee sa First Family na sumailalim sa hair follicle drug test.
Sa Facebook post ng senador, sinabi niya na kung gagawin nila ang hair follicle test, sasailalim din sa DNA test, kasabay ng kanyang akusasyon kay presidential son, House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na nagpapakalat ng tsismis na hindi siya tunay na anak ng Presidente.
Sinabi ni Castro na kung gusto ni Imee na magpa-DNA test gawin niya, subalit hindi papatulan ng Unang Pamilya ang kanyang hamon.
Idinagdag pa ni Castro na matagal nang napatunayan na nagnegatibo ang Pangulo sa isang drug test, kung saan nagbigay ng sertipikasyon dito ang St. Lukes Hospital.
Binigyang-diin ni Castro na ang hamon para sumailalim sa drug test ang Firt Family ay may layunin lamang siraan ang kanilang imahe.









