Itinuturing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malalaking maanomalya at ghost flood control projects na isang uri ng economic sabotage o pananabotahe sa ekonomiya.
Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na sasampahan ng kaso ang mga sangkot sa mga nasabing proyekto.
Sinabi ni Marcos ang sinasabing ghost project sa Barangay Piel ay isang halimbawa ng falsification of documents dahil batay sa records, natapos ang proyekto.
Subalit nang magsagawa ng inspeksyon si Marcos, napatunayan niya na hindi pa nakukumpleto ang proyekto.
Binigyang-diin ng Pangulo na ito ay isang malaking paglabag at para sa malalaking proyekto, pag-aaralan na sampahan ng economic sabotage ang mga sangkot dahil malinaw na ito ay isang pananabotahe sa ating ekonomiya.
Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na ang paghahain ng kaso ay depende sa magiging findings ng legal team.
Nagsagawa ng inspeksyon ang Pangulo sa reinforced concrete riverwall project sa Barangay Piel, Baliuag, at sinabing galit na galit siya sa ghost flood projects sa probinsiya ng Bulacan.
Iginiit ni Marcos na kung maayos sana na naipatupad ang proyekto, nakatulong sana ito ng malaki sa irrigation system ng Bulacan.