Handa umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na harapin ang anumang impeachment complaint na maaaring ihain laban sa kanya, ayon sa Malacañang nitong Lunes.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na iginagalang ng Pangulo ang due process at ang 1987 Constitution, at nananatili itong bukas sa anumang legal na proseso.

Iginiit din ng Malacañang na walang nilabag na batas ang Pangulo at wala itong ninakaw na pondo ng bayan. Ayon kay Castro, si Marcos pa nga ang nagpasimula ng imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects upang mapanagot ang mga sangkot sa korapsyon.

Nilinaw rin ng Palasyo na walang katotohanan ang paratang ng breach of public trust kaugnay ng pagpirma ng Pangulo sa General Appropriations Act, at iginiit na wala itong kinalaman sa isyu ng “Mary Grace Piattos” na lumitaw sa mga acknowledgement receipt ng confidential funds ng ilang tanggapan sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.

Nauna nang itinuring ng Malacañang bilang political maneuvering ang sinasabing plano na magsampa ng impeachment laban sa Pangulo, at iginiit na wala itong sapat na batayan kundi pawang haka-haka lamang.

-- ADVERTISEMENT --

Ang usapin ng impeachment ay lumutang matapos ihayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice na may ilang indibidwal umanong lumapit sa kanya upang magpa-endorso ng impeachment complaint laban kay Marcos dahil sa umano’y betrayal of public trust. Ayon kay Erice, ang mga ito ay mga tagasuporta ng Bise Presidente.

Bilang tugon, sinabi ng Malacañang na mas makabubuting ituon ng mga tagasuporta ng Bise Presidente ang kanilang atensyon sa pagtulong sa kanya sa halip na itulak ang impeachment laban sa Pangulo, at binigyang-diin na ang impeachment ay hindi dapat gamitin para sa publisidad o pananakot.

Sa kabila ng mga ulat tungkol sa posibleng impeachment, nananatili umanong kumpiyansa ang Pangulo sa suporta ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso, dahil wala naman umano itong ginagawang maling hakbang sa pamamahala.