Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na opisyal na gampanan ang kanilang tungkulin sa paglaban sa korapsyon upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Sa panunumpa ng mga opisyal ng League of Cities of the Philippines (LCP) at League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na ang korapsyon ay patuloy na hadlang sa pag-unlad ng bansa at sa pagkakaroon ng mas maayos na kinabukasan para sa mga Pilipino.

Ayon sa Chief Executive, ang kampanya laban sa katiwalian ay hindi lamang tungkulin ng pambansang pamahalaan kundi pati ng mga lokal na lider na direktang nakikisalamuha sa kanilang mga nasasakupan.

Hinimok niya ang mga lokal na opisyal na maging halimbawa ng tapat, responsable, at makataong pamumuno.

Kasabay nito, muling tiniyak ng Pangulo na patuloy na isusulong ng administrasyon ang mga reporma upang mapalakas ang integridad at pananagutan sa gobyerno sa ilalim ng programang “Bagong Pilipinas.”

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa rito, binigyang-pugay din ni Marcos ang mga kawani ng gobyerno na patuloy na nagsisilbi nang may dedikasyon at katapatan sa kabila ng mga hamon at negatibong isyung bumabalot sa pamahalaan. Aniya, ang mga tapat na lingkod-bayan ang tunay na haligi ng pamahalaan at dapat magsilbing inspirasyon sa iba.