Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na huwag mataranta sa patuloy na paghina ng piso matapos itong lumagpas sa ₱64 kada dolyar at tumama sa panibagong record low na ₱64.18.

Tiniyak ng Pangulo na patuloy na gagamitin ng pamahalaan ang mga hakbang upang maipagtanggol ang halaga ng piso, habang nananatiling malusog ang foreign exchange reserves ng bansa.

Iniuugnay ni Marcos ang paghina ng piso sa paglakas ng dolyar at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng krisis sa Middle East.

Nangako rin ang Pangulo na tututukan ang pagpapababa ng presyo ng pagkain, na aniya ay pangunahing naaapektuhan ng mga suliranin sa suplay.