
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makipag-ugnayan sa Malaysia at Singapore upang matunton ang umano’y mga helicopter at eroplano ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Ayon sa Pangulo, ang mga air asset na nakarehistro sa Misibis Aviation and Development Corporation ay maaaring itinago sa mga nasabing bansa. Iginiit niyang hindi maaaring gamitin ng mga pugante ang anumang ari-ariang nakuha mula sa kaban ng bayan upang makatakas sa batas.
Tinukoy rin ni Marcos na may umiiral nang freeze order mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), kaya bawal ang anumang galaw o bentahan ng mga aircraft na konektado kay Co.
Samantala, itinanggi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni Co, na nagmamay-ari ang dating kongresista ng anumang aircraft, kahit may ulat na tatlong air assets na konektado sa kanya ang umalis ng bansa.
Nauna nang hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa AMLC na i-freeze ang bilyun-bilyong pisong halaga ng air assets na nakarehistro sa mga kumpanyang umano’y kaalyado nina Zaldy at Christopher Co.
Hinimok din ng Pangulo ang mga pugante na umuwi sa bansa, sabay babala na tinutugis na sila ng batas.
Kumpirmado rin ni Marcos na nagsauli na ng humigit-kumulang P110 milyon si dismissed Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, at inaasahang magbabalik pa ito ng karagdagang P200 milyon.
Giit ng Pangulo, determinado ang pamahalaan na mabawi ang bawat pisong ninakaw at mapanagot ang sinumang responsable.










