
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bawasan ang halaga ng construction materials para sa mga government projects sa kalahati sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y korupsyon sa flood control projects.
Sa kanyang talumpati bago umalis patungong Kuala Lumpur, Malaysia kaninang umaga, sinabi ni Marcos na ang kautusan sa DPWH ay upang matiyak na nagagamit sa tama ang pera ng mamamayan at magreresulta sa savings sa Capital Outlay spending sa P35 hanggang P45 billion.
Papunta si Marcos sa Malaysia para dumalo sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Sinabi ni Marcos na ang matitipid na pera ay gagamitin sa mga serbisyo, tulad sa kalusugan, edukasyon, at pagkain na higit na kailangan ng mga mamamayan.
Ayon pa sa Pangulo, patuloy na pinag-aaralan ng DPWH ang mga proyekto at mga kontrata para sa paghahain ng mga kaso laban sa mga sangkot sa korupsyon.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na tinignan din ng DPWH ang pricing ng construction materials at natuklasan ang maraming items, tulad ng aspalto, steel bar, semento, ay pawang mga overpriced sa halagang hanggang 50 percent.
Una rito, sinabi ni DPWH Secretaty Vince Dizon, plano ng kanyang departamento na bawasan ang presyo ng mga materyales para sa mga proyekto bawat rehion dahil sa may nakita sila na overpriced.










