Ipauubaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Beijing ang desisyon kung papalitan si Chinese ambassador to the Philippines Jing Quan sa gitna ng panawagan ng dalawang senador na palitan na ang envoy.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, nirerespeto ng pamahalaan ang desisyon ng China kung sino ang nais nila na maging official envoy.

Idinagdag pa ni Castro na normal lamang sa mga opisyal, lalo na sa mga senador na ihayag ang kanilang mga sentimyento sa iba’t ibang usapin dahil hindi naman sila dinidiktahan ng Pangulo.

Ipinanawagan ng dalawang senador na palitan si Jing bilang ambassador sa gitna ng word war sa pagitan ng mga opisyal.

Matatandaan na nagpasa ng resolusyon ang senado na komokondena sa pagbatikos ng Chinese Embassy sa mga opisyal ng bansa na ipinaglalaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Nitong Martes, pinagbawalan ng Chinese Embassy ang 16 na opisyal ng bayan ng Kalayaan, Palawan na pumasok sa China, kabilang sa Hong Kong at Macau matapos na ideklara ng mga opisyal ng Kalayaan si Jing na “persona non grata.”

Nanawagan si Jing sa pamahalaan na mag-usap upang maayos ang hindi pagkakaunwaan sa gitna ng tumitindi na word war sa pagitan ng mga Chinese diplomat at ilang opisyal ng bansa.