Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapalabas ng tinatayang 100,000 metric tons ng bigas upang matiyak ang sapat na suplay at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, ilalabas ng Department of Agriculture ngayong linggo ang humigit-kumulang 1.2 milyong sako ng lokal na bigas sa pamamagitan ng isang auction.

Itinakda ang floor price mula P25 hanggang P28 kada kilo depende sa edad ng bigas.

Layunin din ng hakbang na ito na magbigay-daan sa mas maraming imbakan sa mga bodega, na indikasyon umano ng masaganang ani ng mga magsasaka.

Bukod dito, inanunsyo rin ni Castro ang pagpapalabas ng karagdagang bigas para sa programang “Benteng Bigas, Mayroon na,” na nagbibigay-daan sa mga benepisyaryo na makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaan na patuloy ang pagbabantay sa presyo ng bigas upang maprotektahan ang parehong konsyumer at magsasaka laban sa posibleng pananamantala.

Patuloy ding kumukonsulta ang DA sa mga magsasaka, miller, at trader upang mapanatili ang katatagan ng merkado, lalo na’t nakaamba ang 60-araw na suspensyon ng rice imports simula Setyembre 1, alinsunod sa direktiba ng Pangulo upang maprotektahan ang lokal na produksyon ng palay.