Inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na agad suriin ang lahat ng estruktura ng kuryente sa mga paaralan matapos niyang inspeksyunin ang Dao Building ng San Francisco High School sa Quezon City, na nasunog noong Hunyo 15 — isang araw bago ang pagbubukas ng klase.
Ayon sa Pangulo, paulit-ulit na ang problema sa electrical system ng mga eskwelahan, lalo na’t marami sa mga gusali ay luma na at patuloy pang dinaragdagan ng mga kagamitang de-kuryente gaya ng mga kompyuter, electric fan at aircon na siyang sanhi ng overloading.
Pinalakas naman ni Education Secretary Sonny Angara ang kautusan, dahil sa taon-taong pagdagdag ng appliances na nangangailangan ng mas mataas na konsumo ng kuryente.
Nagpasya na rin ang pamahalaan, sa rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na gibain ang 45-taong gulang na nasunog na gusali at palitan ito ng apat na palapag na estruktura na may 36 na silid-aralan na kayang tumanggap ng 1,200 hanggang 1,500 estudyante.
Target itong matapos sa loob ng isang taon.
Bagamat ikinalungkot ang nangyaring sunog, sinabi ng Pangulo na ito ay pagkakataon para i-upgrade ang pasilidad.
Samantala, tiniyak naman ng gobyerno ang pagpapalit sa lahat ng gamit ng mga guro, kabilang na ang mga personal na kagamitan na naabo sa insidente.
Sa kabila ng sunog, tuloy pa rin ang klase para sa 600 estudyanteng pansamantalang inilipat sa kalapit na gusali ng DepEd at isinailalim sa shifting system upang ma-accommodate ang lahat.