Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kalidad at disenyo ng Camalaniugan Bridge sa Cagayan sa kanyang pagbisita ngayong Martes, Oktubre 14, 2025.

Kasama niya sa inspeksiyon ang mga opisyal na sina DPWH Secretary Vince Dizon, NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen, Cagayan Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay, at DPWH Regional Director Mathias Malenab.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng proyekto sa pagpapabilis ng biyahe at pag-unlad ng kalakalan sa mga bayan ng Camalaniugan, Aparri, at karatig-lugar.

Itinuturing ang tulay bilang isa sa mga pinakamahusay sa bansa dahil sa maayos na pagkakagawa at epektibong paggamit ng pondo ng gobyerno.

Ang Camalaniugan Bridge, na nagkakahalaga ng P2 bilyon, ay may habang 2.16 kilometro at kayang magdala ng hanggang 45 tons na bigat.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa 89.26% na ang natatapos sa konstruksyon ng proyekto na nagsimula noong Mayo 2020 at inaasahan ng Pangulong matatapos at mabubuksan ito sa publiko bago matapos ang Disyembre 2025.

Tinatayang 6,000 motorista kada araw ang makikinabang dito, at bababa mula isang oras tungo sa 20 minuto ang biyahe sa pagitan ng Aparri at Ballesteros kapag natapos ang tulay.