Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magkaroon ng extradition treaty sa Portugal para sa pag-aresto kay dating Congressman Zaldy Co.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may direktiba na ang Pangulo para sa “formal application” sa nasabing extradition treaty.

Pinaniniwalaan na nasa Portugal si Co sa gitna ng kasalukuyang pag-aresto sa mga personalidad na kinasuhan kaugnay sa mga maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro.

Pinaghihinalaan na may hawak na Portuguese passport si Co, na nakuha niya maraming taon na ang nakalipas.

Matatandaan na sinabi ni Marcos nitong nakalipas na buwan ng Disyembre na kinansela na ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nasasangkot sa iskandalo ng katiwalian sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Si Co, na pumunta sa ibang bansa upang magpagamot, ay hindi pa nakababalik sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga insertion sa budget at mga proyekto sa flood control.

Iginigiit niyang siya’y inosente laban sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya.

Sinampahan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa noong Nobyembre 18 kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 million flood control sa Naujan, Oriental Mindoro.