Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posibleng mawalan ng bisa ang operasyon ng gobyerno kung magpapasya ang Korte Suprema laban sa 2025 General Appropriations Act (GAA) kasunod ng isang petisyon na isinampa ng ilang indibidwal.
Sa isang ambush interview sa Mactan, Cebu, sinabi ni Marcos na ang mga tumututol sa budget ay maaaring may layuning maghasik ng destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon.
Ang petisyon para sa certiorari at prohibition ay isinampa kamakailan nina Kinatawan Isidro Ungab at Atty. Vic Rodriguez, na naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa mga blankong item sa bicameral report ng pambansang budget para sa 2025.
Iniwan ni Marcos ang desisyon sa Solicitor General, ngunit ibinahagi niyang tiniyak sa kanya ni SolGen Menardo Guevarra na may malakas na legal na posisyon ang gobyerno hinggil sa pagiging konstitusyonal ng nasabing budget.