Naninindigan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpatuloy ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mandato nito kahit pa may dalawang opisyal na nagbitiw sa kanilang puwesto, ayon sa Malacañang.

Ipinahayag ng Palasyo na sa kasalukuyan ay wala pang bagong kautusan ang Pangulo maliban sa pagpapatuloy ng trabaho ng ICI bilang isang fact-finding body na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga proyekto sa imprastraktura.

Nananatiling aktibo ang komisyon habang hinihintay ang anumang pormal na komunikasyon mula sa pamunuan nito para sa karagdagang gabay mula sa Office of the President.

Binanggit din ng Malacañang na layon ng Pangulo ang pagkakaroon ng isang batas na lilikha ng isang permanenteng independent commission na tututok sa pagsusuri ng mga proyektong pang-imprastraktura.

Kaugnay nito, hinikayat ng Pangulo ang Kongreso na bigyang-priyoridad ang panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act, na inaasahang maaaring maaprubahan sa Senado sa mga susunod na buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng panukalang batas na magtatag ng isang permanente, independent, at non-partisan na komisyon na magsisiyasat sa mga umano’y anomalya at katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura sa antas ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at mga government-owned and -controlled corporations.

Samantala, kinumpirma ng Palasyo ang pagbibitiw nina Commissioner Rossana Fajardo at Rogelio “Babes” Singson mula sa ICI. Wala pang impormasyon kung may itatalagang kapalit sa kanilang mga puwesto.