
Nakipagpulong nitong Lunes si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan upang talakayin ang paghahanda ng Pilipinas sa pagho-host ng 2026 ASEAN Summit at Related Summits.
Sa pulong, naglahad ang iba’t ibang ahensya ng kani-kanilang mga update at prayoridad na plano, na nakatuon sa mga kongkretong programa para sa paglikha ng trabaho, suporta sa maliliit na negosyo, pagpapabuti ng digital services, at pagpapalakas ng people-centered programs.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng mga inisyatibang ito na matiyak na ang pagiging ASEAN Chair ng Pilipinas ay maghahatid ng malinaw at direktang benepisyo hindi lamang sa mga Pilipino kundi pati sa buong rehiyon.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na handa na ang Pilipinas sa pagho-host ng naturang summit.
Ibinahagi rin ni Castro na hinikayat ni Pangulong Marcos ang ASEAN na magtuon ng pansin sa pagtulong sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), lalo na kaugnay ng mga talakayan sa ilalim ng Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) na isasagawa sa panahon ng summit.
Dagdag pa niya, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya upang masiguro ang maayos, ligtas, at organisadong pagdaraos ng 2026 ASEAN meetings.
Dumalo sa pulong sina Acting Executive Secretary Ralph Recto, Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, Trade and Industry Secretary Cristina Aldeguer-Roque, Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Science and Technology Secretary Renato Solidum, at Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.










