Naniniwala pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat na ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin bilang tugon sa tanong kung nakaapekto sa paninindigan ni Marcos ang peace rally ng Inglesia ni Cristo (INC) kahapon sa impeachment ni Duterte.
Binigyang-diin niya na hindi nagbabago ang pananaw ni Marcos sa nasabing usapin.
Ito ay nag-ugat sa unang pag-amin ni Marcos na sinabi niya sa Kamara na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay Duterte sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan.
Matatandaan na sinabi ni Marcos na walang makikinabang sa impeachment dahil may mas mahahalagang usapin na kailangang unahing pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at ang away sa pulitika sa loob ng kanyang administrasyon ay itinuring niyang “storm in a teacup.”
Ang mga pahayag ni Marcos ang sinabi ng INC na pundasyon ng isinagawa nilang nationwide peace rally.
Dinaluhan ng tinatayang 1.8 million ang “National Rally for Peace” sa Quirino Grandstand kahapon.