Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagtutulungan o “bayanihan” sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagkakaisa ng mga Pilipino habang ipinatutupad ng pamahalaan ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagmahal ng produktong petrolyo.

Gayunman, kasabay ng panawagang ito, patuloy na hinaharap ng publiko ang dagdag-pasanin sa araw-araw na gastusin, partikular sa transportasyon at presyo ng mga bilihin.

Sa kanyang vlog, iginiit ni Marcos na ang diwa ng bayanihan—na sumisimbolo sa sama-samang pagtulong nang walang kapalit—ay makatutulong upang malampasan ang kasalukuyang hamon sa ekonomiya.

Nauna nang iniugnay ang pagtaas ng presyo ng langis sa mga pangyayari sa Middle East, na may direktang epekto sa suplay at presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, nananatiling hamon kung paano mapapawi ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo sa kabuhayan ng mga Pilipino.