
Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na manatiling kalmado ngunit hindi maging kampante sa harap ng paparating na Bagyong Uwan.
Pinayuhan niya ang mga residente na sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan at agad na lumikas kung naninirahan sa delikadong lugar. Ipinag-utos din ang paghahanda ng mga pangunahing pangangailangan at pagiging alerto sa opisyal na mga anunsyo.
Ayon sa pangulo, nasa full alert ang lahat ng ahensya ng gobyerno. Naghanda ang mga transportasyon, unipormadong serbisyo, at first responders ng mga sasakyan, bangka, at mga relief goods para sa mga lugar na maaaring lubhang maapektuhan ng bagyo.
Sinuspinde rin ang lahat ng toll fees para sa emergency convoy at responders, at naglaan ng espesyal na lane para sa mabilis na pagresponde sa mga high-risk areas. Bukas na rin ang ilang parking areas ng malls at gusali para magamit ng mga residente sa lugar na madalas bahain.
Kasabay nito, isinasagawa ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan laban sa bagyo.










