Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangako na modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa kanyang talumpati sa joint graduation ceremony ng Major Services Officer Candidate Course (MS OCC), sinabi niya na nananatiling committed ang kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng mga pagbabago sa AFP para gawin itong world-class force na source ng national pride at national security.
Ang MS OCC ay isang taon na programa para sa baccalaureate degree holders para maging mga opisyal ng Philippine Army (PA) at Philippine Air Forces bilang Second Lieutenants.
Ito rin ay para sa Philippine Navy bilang Ensigns sa AFP regular force.
Nangako ang Pangulo na gagawing moderno ang kanilang mga kagamitan, pagagandahin ang training programs, at titiyakin na may kakayahan ang mga ito na harapin ang mga hamon hindi lamang ngayon, kundi maging sa hinaharap.
Naniniwala ang Pangulo na sa pamamagitan ng pagkakaisa, makakabuo ng AFP na tatayo bilang ilaw ng katatagan, ng alyansa, resilience, at technological excellence.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga graduates na ipatupad ng mahusay ang kanilang mandato.
Ang major services officers’ candidate course graduation ngayong taon ay binubuo ng 610 graduates.
Sa nasabing bilang 362 cadets ay mula sa Philippine Army (PA) – Katarakian Class 61-2024, 173 mula sa Philippine Air Force (PAF) – Sigmandigan Class 2024 at 75 mula sa Philippine Navy (PN) – Mangisalakan Class 42-2024.