Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas paiigtingin pa ng kanyang administrasyon ang pagbubukas ng Pilipinas sa mga internasyonal na turista upang lalo pang mapasigla ang ekonomiya ng bansa.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isinagawang groundbreaking ceremony ng bagong Caticlan Passenger Terminal Building (PTB) sa Nabas, Aklan ngayong Lunes, Hulyo 14.
Ayon sa Pangulo, malaki ang maitutulong ng pagdagsa ng mga biyahero sa lokal at pambansang ekonomiya, lalo na’t nasa halos walong porsyento na ng Gross Domestic Product (GDP) ang kontribusyon ng turismo.
Ibinahagi rin ng Pangulo na kasalukuyan nang inaayos ang mga proyekto sa iba’t ibang regional airports gaya ng sa Iloilo, Bohol, at Siargao, at may mga plano pa para sa iba pang mga lugar.
Layunin umano ng gobyerno na gawing mas accessible ang Pilipinas sa pamamagitan ng direktang biyahe mula sa Europa at mga karatig-bansa sa Southeast Asia.
Ang bagong PTB sa Caticlan ay inaasahang makakatanggap ng pitong milyong pasahero bawat taon, at may kapasidad na 3,000 pasahero sa isang pagkakataon.
Target itong matapos sa taong 2027.